| « DISCLAIMER | FIRST READ ON PEP: Aiko Melendez gives up on her second marriage » |
Pacquiao, ayaw makasakit ng damdamin ng iba
Kahit may katagalan na ring pinasok ni Manny Pacquiao ang mundo ng showbiz ay reluctant pa rin itong magsasagot sa mga intrigang ibinabato sa kanya ng mga kasamahan sa panulat noong Sabado matapos pumirma ng kontrata sa GMA 7.
Nang pinagmamasdan namin si Pacquiao habang tinatanong ay hindi siya agad makasagot at parang seryosong iniisip ang bawat katagang lumalabas sa kanyang bibig.
Ayaw kasi ni Pacquiao na makasakit ng damdamin ng iba. Sinisiguro niya na safe ang kanyang mga sagot kahit alam namin na may mga dahilan ang pagpirma niya ng kontrata sa Kapuso network.
Natutuwa siya at kahit paano ay nawala na ang ‘selos factor’ ng asawa sa pakikisalamuha niya sa iba’t ibang showbiz personalities.
Unti-unti nang natatanggap ng asawang si Jinkee ang buhay-celebrity ng asawa. Kay Jinkee pa rin ito umuuwi si Pacquiao at the end of the day.
Sa pribadong buhay ay simple at walang kayabangan si Manny kahit alam niya na sikat siya, hindi lang dito sa ating bansa kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Saksi kami kung paano siya pagkaguluhan hindi lamang mga Pinoy kundi iba’t ibang lahi sa pagpapakuha ng litrato at makuha ang kanyang autograph.
Buong pakumbabang pinagbibigyan niya ang mga tao na lumalapit sa kanya at never siyang nagmaldito o nainis kahit sinisiksik na siya.
Isang gabi ay niyaya niya ang aming grupo para maghapunan sa Mayflower Restaurant, isang Chinese restaurant sa downtown Los Angeles, CA.
Hinainan kami ng may-ari ng lahat na yata ng klaseng pagkain sa restaurant na iyon. Iniuwi pa namin ang napakaraming tira.
Ang ikinagulat namin ay hindi nagpabayad ang may-ari at super fan pala ito ni Pacquiao. Basta pala si Pacquiao, kahit ano ang hilingin nito ay buong pusong ipagkakaloob ng may-aring Intsik.
Magmula yata nang kumain si Pacquiao roon ay dinadagsa na ito ng napakaraming Pinoy sa LA.
Maski dis-oras nang gabi ay maraming Pinoy ang dumarating para kumain. Pulos larawan ni Pacquiao ang nakita namin doon na kasama ang may-ari ng restaurant.
Hindi siguro akalain ng Pambansang Kamao kung gaano siyang kasikat ngayon. Madalas, sa mga unguarded moments ay nakikipagharutan siya sa mga kaibigan na animo’y paslit.
Pero may oras din daw itong tahimik at mapapanis ang laway ng kaharap dahil hindi ito nagsasalita.
Maaga pa ay sobra na ang promo ni Manny sa pelikula niya for the coming Metro Manila Film Festival kung saan si Ara Mina ang kanyang katambal.
Dito raw ninyo mapapanood kung paano umiyak ang isang boksingero.
Sa ngayon ay abala pa rin sa pag-eensayo ang boksingero para sa boxing match niya sa October 6 sa Las Vegas, Nevada.
Mas mahirap palang mag-ensayo sa Pilipinas kumpara sa Wild Card Arena sa LA dahil sa sobrang init. Pero may advantage din daw dahil mas madadalian na siya sa Amerika dahil sa naranasan niyang tindi ng init.
Pinag-iisipan pa ni Manny kung sino ang kakanta ng National Anthem sa October 6 boxing match niya.
May mga Kapuso na in-audition na pero wish niya na sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid ang kumanta nito.
Ginawan siya ng kanta na may titulong Manny Punch ng isang sikat na songwriter sa Amerika na si Willy Wilcox at ang kakanta nito ay rapper ni Christina Aguilera.
Gagawan ito ng dance craze sa SOP kung saan bibigyan si Manny ng isang send off party ng SOP bago siya umalis sa September 22.
Source: ABANTE-TONITE
By: Joe Barrameda