| « Dutch court orders Joma detained another 90 days | Former President and actor Erap Estrada guilty of plunder » |
IKULONG N’YO AKO SA BILIBID -- ERAP
Hindi pabor si dating Pangulong Joseph Estrada na pagkalooban siya ng special treatment ng gobyerno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa halip mas nanaisin nitong makulong sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa kaysa sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal.
Ito ang kinumpirma ni Shariff Kabunsuan Rep. Didagen Dilangalen, dating spokesman ni Estrada at isa sa mga kasama ng dating pangulo nang basahan ito ng hatol ng Sandiganbayan Special Division kahapon ng umaga.
"The President said he don’t want special treatment. Kung siya ang masusunod, sa Bilibid siya makukulong. That’s what he said," pahayag ng kongresista sa panayam ng TONITE kahapon.
Sinabi ng kongresista na walang kasalanan si Estrada at biktima lamang ito ng political persecution ng Arroyo government kaya nais nitong bigyan ng lubos na kasiyahan ang kanyang mga kalaban sa pulitika sa pamamagitan ng pagpapakulong sa Muntinlupa.
"But since inutos ng Sandiganbayan na sa Tanay siya makulong. Wala siyang magawa. But if the Sandiganbayan change their mind, handa na siyang makulong sa Bilibid," dagdag pa ng mambabatas.
Una rito, nagharap ng manifestation si Atty. Rene Saguisag sa Sandiganbayan na ikulong si Estrada sa Bilibid subalit tinanggihan ito ng Korte at inutos na ipagpatuloy ang pagkulong sa dating Pangulo sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal.
Maging si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ay nagsabi na walang balak si Estrada na i-serve ang kanyang sentensya sa Tanay, Rizal dahil ito ay isang "special treatment".
"The President did not want a special treatment," ani Rodriguez subalit hindi nito sinabi kung igigiit nila sa Sandiganbayan na baguhin ang naunang desisyon at ilipat sa Muntinlupa si Estrada.
Hindi naman pabor si Parañaque Rep. Roilo Golez na makulong si Estrada sa Bilibid dahil sa kanyang "stature" bilang dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Golez, bilang dating Pangulo, karapatan pa rin ni Estrada na mabigyan ng paggalang kahit nasentensyahan na ito sa kasong plunder at hindi maaaring isama sa mga hardcore criminals.
"Hindi siya dapat isama sa mga hardcore criminals. He is still the former president," pahayag ni Golez.
Sa 211-pahinang desisyon ng First Division ng Sandiganbayan, ‘guilty’ ang ibinabang hatol kay Estrada sa kasong plunder habang inabsuwelto naman ang anak nitong si Sen. Jinggoy Estrada at abogadong si Edward Serapio.
Parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang katapat nitong kaparusahan. Ang taon na napagsilbihan na niya sa kanyang kulungan sa Tanay Rizal na anim na taon ay ibabawas na lamang sa taon na pagdurusahan sa bilangguan.
Habang sa 57-pahinang desisyon sa kasong perjury ay ‘not guilty’ naman ang hatol sa dating Pangulo.
"This is a special division created to convict me. As expected, the court convicted me. I subjected myself in the rule of law," ani Estrada.
Bago mag-alas-12:00 ng tanghali nang umalis si Estrada sa Sandiganbayan matapos ang ilang minutong pakikagpulong sa mga abogado nito sa pangunguna nina dating Senador Rene Saguisag, Atty. Jose Flaminiano, Atty. Estelito Mendoza, dating Supreme Justice Andres Narvasa at Rep. Rufus Rodiguez upang pag-aralan ang susunod na hakbang.
Sinabi ni Rodriguez na agad na magsasampa ng motion for reconsideration si Estrada sa Supreme Court kung saan mayroon itong 15-araw para gawin ito.
Ganap na alas-9:25 ng umaga ay agad na natapos ang pagbasa ng hatol at makaraan nito ay agad na umalis ng court room sina Sandiganbayan Special division Justice Leonarda de Castro, Justice Francisco Villa Ignacio Jr. at Justice Peralta.
Bago sumakay ng helicopter na magdadala sa kanya sa Tanay, nag-iwan ng mensahe si Pangulong Estrada para sa sambayanang Filino. "Ipagdasal ninyo ang ating bansa," ani Estrada.
Sasapitin din ni Gloria
Nagbigay naman ng prediksyon si Senate majority floor leader Francis Pangilinan na maaari ring sapitin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nangyari kay Estrada.
Ngayon pa lamang nakikita ni Pangilinan ang masamang implikasyon ng guilty verdict kay Estrada, katulad ang senaryong makukulong din si Mrs. Arroyo pagkatapos ng kanyang termino sa 2010.
"Ayaw man o gusto ng administrasyon Arroyo, mabigat ang implikasyon ng nasabing hatol pati na rin kay PGMA dahil kapag hindi nalutas ang mga extra-judicial killings at iba pang mga kontrobersya sa gobyernong Arroyo maaaring mga kaso rin ang kaharapin nito sa darating na mga panahon," ani Pangilinan.
Sakabila ng maagang prediksyon ni Pangilinan sa maaaring sapitin ni Mrs. Arroyo, ito’y nanawagan sa sambayanang Pilipino na tanggapin ang naging hatol kay Estrada at maging kalmante lalo pa’t maaaring iapela sa Korte Suprema ang desisyon.
"Tutol man tayo o sumasang-ayon sa hatol kailangan respetuhin natin ang naging pasya ng korte. Dapat din kilalanin ang karapatan ng nasasakdal na mag-apela kung sa palagay nila nagkamali ang hukom at nais nila ng panibagong pagsusuri sa ebidensya sa Korte Suprema," ani Pangilinan.
"Mas masahol na katiwalian ang nangyayari ngayon. Dapat panagutin naman si Gloria," pahayag naman ni Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros.
Habang sinabi naman ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva na kung katiwalian ang pag-uusapan, mas marami na ang nangyari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na pinagtatakpan lamang.
"Ito ay isang aral na dapat pagtuunan ng pansin ng mga public officials lalo na ng administration ni Gloria Arroyo," ani Villanueva.
Maging si Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño ay nagsabi na dinaig na ni Arroyo si Estrada sa usapin ng katiwalian kung saan kaban na ng bayan ang nawala. "We are hoping this will serve as a warning to all high government officials that they are always accountable to the people. We fervently hope that GMA, whose crime are worse than Erap will also be made accountable as Erap has," ani Casiño.
Iba pang reaksyon
Sen. Ping Lacson -- "The next legal battle for the former president is just about unfold. I hope that Supreme Court can arrive at a decision that is fair and just to all concerned," ani Lacson. "In the meantime, I will in my own personal capacity do whatever I can to console and provide whatever moral support to the former President."
Sen. Chiz Escudero -- "Saludo at bilib ako sa tapang at pagpapakumbaba na ipinakita ni dating Pangulong Estrada sa pagharap niya sa mga kasong isinampa laban sa kanya," ani Escudero. "Nakakalungkot na tila naging mailap ang katarungan kay Erap mula sa Sandiganbayan. Naniniwala ako na iaapela ito ni Pangulong Erap at sana ay makamtan na niya ang katarungan sa mataas na hukom."
Sen. Richard Gordon -- "For the rest of us, we can heave a sigh of relief. Closure has been found in this unprecedented and historic case. The nation can now move on."
Nueva Ecija Rep. Edno Joson -- "Sasabihin ng mga tao, mas grabe si (dating presidente Fidel) Ramos, mas grabe si GMA, bakit ito (Erap) lang ang naparusahan."
Source: ABANTE-TONITE
By: Bernard Taguinod/Rey Marfil With Grace Velasco/Noel Abuel